Inihayag ni Lani Misalucha na gumagamit siya ngayon ng hearing aid matapos maapektuhan ng bacterial meningitis ang kaniyang pandinig.
Sa kaniyang Instagram live session kamakailan, ibinahagi ng mang-aawit ang pinagdaanan nilang pagsubok na mag-asawa noong Oktubre dahil sa naturang sakit kaya naratay sila ng ilang linggo sa ospital.
“I believe some of you already know what happened to me and my husband. Nagkaroon kami ng bacterial meningitis noong October,” saad niya.
“We are okay naman ngayon but the problem is ’yung bacterial meningitis na ’yan iniwanan kami ng souvenir at ang souvenir na ’yun ay hearing loss at vestibular dysfunction,” patungkol niya sa pagkahilo kapag ibinaling ang kaniyang ulo.
“Ako ang right ear ko ang bingi. Left ear ko medyo nakakarinig,” sabi pa ng mang-aawit.
Ang kaniyang mister, nawalan din ng pandinig at nakararanas ng sakit ng ulo.
Sa naturang video, ipinakita ni Lani kung papaano niya ginagamit ang hearing aid.
“Maraming-maraming salamat sa inyong lahat na nag-offer ng kanilang prayers and thank you so much for your love and support. I love you guys,” saad niya.
Sa nakaraang mga panayam, inihayag ni Lani ang pangamba na matigil na siya sa pag-awit dahil sa iniwang epekto ng miningitis sa kaniyang pandinig.
Katunayan, kinabahan daw siya nang umawit siya sa "The Clash Christmas Special" at sa "GMA New Year Countdown" dahil hindi siya nakakarinig nang maayos.
Unang ipinaalam ni Lani ang naging laban nilang mag-asawa sa miningitis noong Disyembre matapos mawala bilang judge sa "The Clash."--FRJ, GMA News