Dahil sa mga lock-in taping na ipinatutupad ngayong COVID-19 pandemic, naiintindihan na ni Carmina Villarroel ang nararamdaman ng mga OFW sa tuwing mawawalay ang mga ito sa pamilya. May sagot naman siya sa ilang nagkokomentong "OA" daw siya sa tuwing nami-miss niya ang kaniyang pamilya.
Sa isang video ng GMA Network, sinabi ni Carmina na sa umpisa pa lang, mahirap na ang trabaho ng pag-aartista, kaya mas dumoble pa ang mga hamon sa pagte-taping nang magkapandemya.
"It's not an easy job. 'Di ba ang sinasasabi nila 'Artista 'yan, easy money.' No, no, no. We really have a tough job. To begin with ganu'n na. So ngayon, mas doble 'yung hirap kasi for one, mas limited 'yung tao, mas konti 'yung support group, 'yung tulong tulong, mas konti," paliwanag niya.
Binanggit din ni Carmina na mahirap ang mawalay sa pamilya tuwing kailangan nilang sumalang sa lock-in taping, hindi tulad ng taping noon na nakakauwi pa sa kani-kanilang mga tahanan ang mga artista.
"Ito, 28 days to a month, mahirap kasi lagi ko ngang sinasabi, napi-feel ko na 'yung mga napi-feel ng OFW. Sasabihin ng iba 'Napaka-OA mo naman, ang OFW three years, five years, ikaw 28 days,'" anang aktres.
"Like I said, I'm not naman comparing myself but I know na how they feel. Kasi nga ito na nga, 'yung point ko, just being away from my family 28 days or let's say one month, hirap na hirap na ako, umiiyak talaga ako. I mean, sabihin na ng ibang tao ang OA. But very close kasi kami as a family. Bihirang bihira akong lumayo," pagpapatuloy ni Carmina.
Inihayag ni Carmina na hindi niya gusto na tumagal pa ang mga lock in taping, at matapos na sana ang pandemya.
Bukod sa pagkawalay sa pamilya, hirap din minsan ang production sa komunikasyon dahil sa kawalan ng signal.
"Never ko pang nakalayo sa pamilya ko ng one month, 'yung talagang this is the first time. So sabi nga na there is always a first time. But this is so far the new normal for us eh, I don't want to get used to this, and you know, we're all praying and hoping na by next year, two years from now maging okay na ang lahat," sabi ni Carmina.-- FRJ, GMA News