Mula sa pagiging host at isang aktor,  susubukan naman ni Andre Paras na abutin ang pangarap na maging professional basketball player sa pagsali niya sa PBA Rookie Draft. Iiwanan na kaya niya ang showbiz?

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sinulit ni Andre ang oras noong quarantine para sa kaniyang basketball training.

"The reason why I decided to apply for that is because I'm chasing my dreams, I've always wanted to play basketball," sabi ni Andre.

Ayon naman kay Andre, pagsasabayin niya ang paglalaro ng basketball at showbiz.

"I know marami magtatanong, 'Paano 'yan nagsimula na ang 'Game of the Gens,' magba-basketball ka?' Eh 'di, that's why I'm thankful for with GMA, very understanding po sila, at the same time, you're gonna see me play basketball," saad ng Kapuso actor.

Magiging host si Andre ng upcoming game show sa GMA News TV na "Game of the Gens," kasama si Sef Cadayona.

Unang beses nina Andre at Sef na magho-host ng isang game show na bukod sa masaya, informative pa.

Sa "Game of the Gens," pagsasama-samahin ang celebrities mula sa iba't ibang henerasyon.

"May Boomers, may millenials, Gen Z, Gen X, very fortunate kami to host sa ganitong klase ng show na pagsasama-samahin namin sila," sabi ni Sef.

"Hindi lang siya magiging game show, 'yung mga Kapuso natin na manonood, they will learn a lot. Like ako, I'm born 1995 pero mahilig ako sa 60s, 70s music. 'Yung iba naman mahilig sa fashion. So 'yung mga tanungan po namin it's going to be revolve around pop culture of the different generations," sabi ni Andre.

Samantala, balik-taping na rin si Sef para sa Bubble Gang.

Goal niya this year na makapagtayo ng restaurant business.

"Ramen bar. Hopefully ma-finalize namin siya this year," sabi ni Sef.--Jamil Santos/FRJ, GMA News