Isa sa blessings na ipinagpapasalamat ni Rachelle Ann Go sa kabila ng pandemya ang pagkakaroon nila ni Martin Spies ng anak. Ang hiling ni Rachelle, makasama niya ang kaniyang ina sa kaniyang panganganak sa London. Pumayag kaya ang kaniyang mister?
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isa sa mga ipinagdasal nina Rachelle at Martin ang magkaroon ng anak, at naipagkaloob naman sa kanila.
Dahil dito, nag-aayos na sila ng baby room sa kanilang tahanan.
"Nag-grow talaga 'yung relationship namin, although it's tough not to see other people, nakakulong ka lang sa bahay, isolated ka talaga, you just have to find your peace and your joy," kuwento ni Rachelle.
Tatlumpung linggo na ang ipinagbubuntis ng internationally-acclaimed stage actress.
Halos walang hirap daw ang pregnancy ni Rachelle, at naisasabay pa niya ang work from home.
"Kain-tulog... Mas maraming time to serve the church, so I've been recording, doing online services. Pagka may mga gig din ako na nanggagaling sa Philippines I've been recording stuff, which is easier na ngayon na buntis ako," kuwento ni Rachelle tungkol sa kaniyang routine.
Dagdag niya, lagi pa niyang kinakantahan ang kaniyang baby.
"Like every morning kasi when I do my quiet time, nagpe-play ako ng worship music. Tapos, hala sige, kanta ako nang kanta. So 'pag naghi-hit na ako ng high notes hindi ko alam kung naiingayan siya or nae-enjoy niya," natatawang sabi ni Rachele.
"Masipa, especially when I'm singing. Kapag nagpe-play kami ng music, sumisipa 'yung baby," paglalarawan pa niya tungkol sa kaniyang sinapupunan.
Gayunman, malaki ang magiging adjustment ni Rachelle pagdating sa West End.
Nauna nang tumanggi si Rachelle sa dapat sana'y Les Misarables concert sa London noong Disyembre.
"Baka 'pag nag-belt ako, bigla akong manganak sa stage... and I think they're opening this year as well and I'm not sure if I can do shows this year dahil nga mas masarap na rin 'yung mag-focus muna sa [baby]," biro ni Rachelle.
Inihayag din ni Rachelle ang kaniyang takot sa panganganak.
"Ang lagi kong tanong, 'Masakit ba?' 'Yun talaga 'yung fear ko eh. Before if you ask me months ago kung may plano kaming magka-baby, ang sasabihin ko talaga ayoko kasi takot ako sa pain."
"Kung nagawa na ng ilang bilyong kababaihan sa buong mundo, eh kaya ko 'yan," paghikayat naman ni Rachelle sa sarili.
Kaya naman hiling niya na makasama ang ina sa kaniyang panganganak, na aprub naman kay Martin.
"Sabi ko sa asawa ko, 'Okay lang ba na papuntahin si mama dito?' Thank God, sa kultura ng mga South African, they're family-oriented as well, so sanay sila na kasama ang parents. So we agreed na papuntahin si mama dito," ani Rachelle.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News