Naghain ng panukalang batas si Senate President Vicente Sotto III na mabigyan ng bagong prangkisa para makapag-operate muli ang ABS-CBN Corporation. Sa Kamara de Representantes, sinabi ni Representative Vilma Santos-Recto na maghahain din siya ng katulad na panukalang batas.
Sa Senate Bill No. 1967 na inihain ni Sotto, nais niyang bigyan ng Kongreso ng 25 taong prangkisa ang ABS-CBN, na ibinasura ng House Committee on Franchise nitong nakaraang Hulyo.
Umaasa si Sotto na magkakaroon ng pagkakataon na maipasa ang prangkisa sa Kamara sa ilalim ng bagong liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.
"New [House] Speaker, new officers. [There] could be a better chance," sabi ng senador.
Nabasura ang prangkisa ng ABS-CBN sa ilalim ng pamumuno ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.
Ngunit kahit naghain ng panukalang batas sa Senado si Sotto, kailangan munang magkaroon ng katulad na panukala sa Kamara at doon muna unang maaprubahan.
Kaya si Rep. Santos-Recto, sinabing maghahain ng naturang bersiyon ng panukala sa Kamara.
Gaya ni Sotto, umaasa ang actress-turned-politician na may pag-asang maipasa ang panukala sa bagong liderato ni Velasco.
Dahil sa pagkabasura ng prangkisa ng ABS-CBN, nawala sa kanila ang kanilang radio frequency at nakatalagang TV channel.—FRJ, GMA News