Sa pamamagitan ng palaro idinaan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang pagkakaloob ng sorpresang mga regalo sa tatlo nilang kasambahay na sina Ate Glenda, Kuya Jhun, at Ate Cecile.

Ilang taon nang kasama ng pamilya Dantes ang tatlo kaya bilang pasasalamat ay nagsagawa sila ng munting "Christmas party" para ipagkaloob ang kanilang regalo.

Sa video, si Ate Glenda ang nanalo ng bagong bike matapos ang trivia game tungkol sa Dantes family.

Napag-alaman na si Ate Glenda ang nag-alaga kay Zia.

"Malaking bagay po 'yung bike na 'yun na napanalunan ko, kasi syempre po, 'yung bike po na 'yun, magagamit po ng inay o ang pamangkin ko papunta sa labas, kasi malayo po kasi kami sa kalsada, kaya kailangan din po namin o nila ng masasakyan para magpunta ng kalsada," saad niya.

 

 

Pinakamatagal namang nagtatrabaho sa pamilya Dantes si Kuya Jhun, na umabot na ng 17 taon.

Nanalo siya ng laptop at wi-fi connection nang siya ang piliin ng dalawa niyang kasama na karapat-dapat na tumanggap ng laptop para sa pag-aaral ng anim niyang anak.

"Napakalaking bagay. Lahat ng mga anak ko, gumagamit ng cellphone sa kanilang online school. Eh 'yung gumagana lang d'un 'yung cellphone ng asawa ko. Eh, ilan ang mga anak ko? Anim," saad niya.

Nanalo rin si Ate Glenda ng laptop at wifi sa pamamagitan ng palabunutan na ginawa ni Marian kasama ang pangalan ni si Ate Cecile.

Sa huli, kumakot ng grocery items ang tatlo na maaari nilang ipanimula sa pagtatayo ng maliit ng tindahan.

"Wala po akong masabi kay ma'am [Marian]. Unang-una po, idol ko siya," sabi ni Ate Cecile.

"Si ma'am Marian talagang kung ano 'yung pananalita niya sa TV ganun din po sa personal. Wala rin po akong masasabi sa kanya, napakabait nilang mag-asawa," dagdag niya.

"Hindi sapat ang mga materyal na bagay na ito para tumbasan ang pagmamamahal at serbisyo nila sa aming pamilya," sabi ni Marian.

"Ganun pa man, simbolo ito ng aming pasasalamat sa kanila lalo na ngayong kapaskuhan," ayon naman kay Dingdong. —FRJ, GMA News