Aminado si Asia's Nightingale Lani Misalucha na matinding kaba ang naramdaman niya nang magtanghal sa "The Clash Christmas Special" at sa "GMA New Year Countdown."

Sa panayam sa kaniya ng "Unang Hirit" nitong Lunes, sinabi ni Lani na patuloy silang nagpapagaling ng kaniyang mister sa iniwang epekto sa kanila bacterial meningitis.

Hanggang ngayon, nakararamdam pa rin daw sila ng pagkahilo kapag iginigalaw ang ulo. Wala pa rin umanong pandinig ang isa niyang tenga, at hindi naman lubos na nakadidinig ang isa pa.

Bukod sa hindi balanse ang kaniyang pandinig, aminadong siyang kabado siya kung magagawa pa niyang umawit nang maayos.

Idinagdag din ng batikang mang-aawit na may tatlong buwan siyang natigil sa pagkanta kaya ganun na lang ang kaniyang kaba nang magtanghal sa sa "The Clash Christmas Special" at sa "GMA New Year Countdown."

Ngayong 2021, hangad daw ni Lani na pangalagaan ang kaniyang kalusugan at umaasa siyang tuluyan na silang gagaling na mag-asawa sa kanilang sakit.

Muli rin niyang pinasalamatan ang fans at ang lahat ng tao na nagpahayag ng suporta sa kanilang pinagdaanan na mag-asawa.--FRJ, GMA News