Pagkabingi at pagkahilo ang naging epekto ng bacterial meningitis na tumama sa singer na si Lani Misalucha at kaniyang asawa.
Sa Chika Munute report ni Audrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing hindi pa alam ni Lani kung papaano nila nakuha ang bacterial meningitis na Streptococcus suis na mula sa baboy.
Pero hinala nila, maaaring nakuha nila ito sa kontaminadong pagkain.
Umabot sa 18 araw ang pananatili ni Lani sa ospital, habang 20 araw naman ang kaniyang mister.
"Nung nasa ICU kami, as in bingi both ears. I can actually hear some noise doon sa room doon sa ICU pero I cannot make out the words, 'yung sinasalita ng mga tao," kuwento niya.
Ayon kay Dra. Lulu Bravo, ng Philippine Foundation for vaccination, maraming uri ng meningitis at kayang mapigilan sa pamamagitan ng bakuna.
Sinabi ni Lani na may epekto pa rin daw sa kanila ang naturang sakit lalo na ang pagkahilo.
"'Yung hilo talaga ang medyo nakaka-disable. Konting paling ng kaliwa o kanan, talagang nakakahilo," saad niya.
Aminado si Lani na nag-alala siya na mawala ang abilidad niyang kumanta dahil sa meningitis lalo pa't wala pa ring pandinig ang isa niyang tenga nang mapanood siya Christmas special ng GMA.
"It's very devastating, you know," saad niya. "Parang wow, this is my profession, and then this happens. This has been my love, and then I don't know, ang iniisip ko na lang, is it going to be taken away from me?"
Kasabay nito, nagpasalamat naman si Lani sa kaniyang mga katrabaho sa "The Clash" tulad nina Aiai Delas Alas, Christian Bautista, at Pops Fernandez, at maging kay "Wowowin" host Willie Revillame, dahil sa suporta sa kaniya.
"Very grateful kasi lahat nung mga messages nila sinasabi nila, we were praying for you," aniya. "Nagpapasalamat talaga ako sa kanila, na walang abog-abog tumutulong sila sa akin." —FRJ, GMA News