Humingi ng patawad ang social media personality na si Marlou Arizala o Xander Ford sa kanyang dating nobya na nagsampa ng reklamo laban sa kanya dahil sa kanyang pagkaakaresto nitong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkules, itinanggi rin ni Arizala ang paratang na pananakit sa kanyang nobya.
“Nanghihingi po ako ng sorry doon sa ex ko kahit po alam ko na wala naman akong ginawang masama sa kanya,” sabi ni Arizala.
“Magpapasko tapos ganito ang mangyayari sa pamilya ko, sa mama ko. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko,” dagdag pa niya.
Inaresto si Arizala sa bisa ng arrest warrant na nag-ugat sa paglabag sa Section 5 (g) ng Republic Act 9262 o Violence Against Women and Children.
“Parehas po kaming nasaktan sa mga nangyari po sa aming dalawa pero hindi ko po talaga siya [pananakit] napisikal po. Mahal ko po ‘yun e,” he added.
Ayon sa kanyang manager na si David Cabawatan ng Star Image Artist Management, reklamong pananakit at attempted rape ang kinakaharap ni Arizala.
Sasagutin ng management ang P18,000 na piyansa para sa kaso ng social media personality. Gayunpaman, iginiit ni Cabawatan na hindi nila kukunsintihin si Arizala kung mapatunayan ang paratang.
“If in case po, mapatunayan po sa korte na siya po ay nagkasala, hindi namin po siya ito-tolerate. Pero let's give him benefit of the doubt,” pahayag ni Cabawatan.
“Medyo mabigat po sa kalooban namin na pumunta pa dito kasi sa marami pong binigay po sa amin na problema ni Xander. Naisip po namin na baka dapat ito ay mabigyan siya ng aral na talaga. Pero, siyempre, magpapasko po, medyo lumambot po ang puso namin,” dagdag pa niya.
Ang arrest warrant laban kay Arizala ay may petsang October 8. “Ngayon lang natin naaresto kasi ngayon lang tayo naka-provide nitong warrent of arrest,” ayon sa pulis. —LBG, GMA News