Ngayong nasa Amerika na kasama ng kaniyang pamilya, sinagot ni Carol Banawa ang tanong kung may plano pa siyang bumalik sa Pilipinas at lumabas ulit sa ilang showbiz projects.
Kasabay nito, inihayag din ni Carol na may plano pa siyang kumuha ng masters degree para maging isang nurse practitioner.
Bago nito, nakapagtapos na si Carol ng bachelor's degree sa nursing sa Grand Canyon University bago siya mag-40-anyos.
Sa programang "Just In," tinanong ng host na si Paolo Contis kung "never-ever" bang hindi na babalik sa bansa si Carol, o may plano siyang dito sa Pilipinas mag-retire.
"Hindi naman never-ever, pero when hindi ko pa alam," saad niya.
Sa posibleng pagreretiro sa Pilipinas, sinabi ni Carol na hindi niya masagot iyon sa ngayon dahil nasa Amerika ang kaniyang mga anak.
"Ang mahirap kasi siyempre ang mga anak ko nandidito. Parang ang mangyayari sa akin para akong si mama na parang nandidyan ako pero iniisip ko yung mga anak [sa US]," paliwanag niya.
Mas nais Carol na magkakasama ang kaniyang pamilya dahil mahirap para sa kaniya ang malayo sa kaniyang mga anak.
Pero dahil sa Pinoy din ang kaniyang asawa, sinabi ni Carol na posibleng magpabalik-balik sila sa Pilipinas lalo na kung nasa retiring age na silang mag-asawa.
Tinanong din si Paolo si Carol kung bukas ba siyang bumalik sa pag-arte tulad ng pelikulang "Tanging Yaman," na kinabilangan niya at mga batikang aktor tulad nina Gloria Romero, Hilda Koronel, Edu Manzano, Dina Bonnevie at Joel Torre, sa direksyon ni Laurice Guillen.
Alamin sa video ang tugon ni Carol sa tanong ni Paolo at ang iba pa niyang plano bilang isang nurse sa Amerika. Panoorin.
--FRJ, GMA News