Labing-anim na taon matapos iwan ni Kim delos Santos ang showbiz sa Pilipinas, ang pagiging nurse sa Amerika ang napiling propesyon ng dating aktres na 39-anyos na ngayon.

Sa panayam sa kaniya ng PEP.ph, ibinahagi ng dating miyembro ng '90 youth-oriented drama series ng GMA-7 na "T.G.I.S.," ang ilan sa mga karanasan niya bilang nurse sa Amerika.

Kabilang na rito ang pagtulong niya sa isang pasyenteng iniiwasan dahil inakalang mayroong COVID-19, at ang naranasan niyang diskriminasyon noon.

Hindi raw kaagad nakapag-aral si Kim nang mag-migrate ito sa Amerika, kaya 2007 na nang mag-enroll siya sa isang nursing school.

Bata pa lang, pangarap na raw talaga ni Kim na maging nurse.

"I don’t regret leaving the Philippines because it gave me the opportunity to spend time with my dad before he died in 2015," kuwento niya.

"Nurse na ako noon, I was able to take care of him. My dad was the one who put me to school. Tatay ko ang nagpaaral sa akin," patuloy ng dating aktres na nagtatrabaho bilang isang dialysis nurse sa isang clinic sa Houston, Texas.

Aminado si Kim na hindi maiwasan na malungkot siya at maiyak kapag may pasyenteng nawawala na dahil sa nabubuong personal relationship sa panahon ng pag-aasikaso sa kanila.

Isa raw sa mga hindi niya malilimutan ay ang isang dialysis patient na walang gustong mag-asikaso dahil napagkamalang may COVID-19.

"Bagets pa siya, mga nasa bente lang siguro, and then hindi siya na-dialysis ng mga tatlo o apat na araw. Walang gustong kumupkop sa kanya dahil baka may COVID nga," lahad niya.

"Nung time na inaalagaan ko siya, mangiyak-ngiyak siya. Sabi niya, ‘Salamat, ha? Inaalagaan mo ako, hindi ka natatakot. Ayaw nila akong tanggapin.’

“Nang malaman-laman namin, wala siyang COVID dahil bronchitis ang sakit niya. Bronchitis, pero hindi siya na-dialysis kasi hindi nila alam kung paano i-handle. Everyone was scared," patuloy niya Kim.

Naranasan daw ni Kim na makatikim ng mura at maging biktima ng diskriminasyon noong baguhan pa lamang siyang nurse dahil hindi maiiwasan ang mga pasyenteng salbahe. Pero ito raw ang dahilan ng pagiging matapang niya.

“Nung una akong nag-start bilang nurse, umiiyak ako. I used to cry. I wanted to quit. Tinawag akong mataba ng pasyente. Yun ang time na mataba pa ako.

“As in umiiyak talaga ako. Magsusumbong ako sa boss ko," pagbahagi niya.

Mabait naman daw ang boss niyang Pinay din at pinayuhan siyang maging matatag.
"Kung hindi ako inalalayan noong una akong magtrabaho dito, I don’t think I will last," saad niya.

Ayon pa kay Kim sa Amerika siya natutong maging matapang.

"Hindi na ako ganoong kabait na parang, 'yes ma’am' nang 'yes ma’am.' Hindi pwede sa Amerika ‘yon. Hindi ka uubra. Talagang kakawawain ka dito kaya natuto akong lumaban. Natuto akong sumagot," ayon sa dating teen star. --For the full story, visit PEP.ph