Sa 20th anniversary special ng programang "Imbestigador," itatampok ang kuwento ng buhay ng host nito na si Mike Enriquez na gagampanan ni Rocco Nacino.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Rocco na makikita sa docu drama special ng programa ang mga pinagdaanan sa buhay ng batikang broadcaster.
"Nakakatuwa rin 'yung mga pinagdaanan niya at nu'ng time na nag-start siya sa radio DJ, naranasan ko, 'Uy ganito pala magboses DJ ha' 'Ganu'n pala 'yun.' Pero mahirap i-pull off 'yung ginagawa ni Sir Mike, 'yung confidence na kailangan mo para matatak 'yung boses mo," sabi ni Rocco.
Marami raw nadiskubre si Rocco tungkol sa "Imbestigador ng Bayan" sa pagganap niya bilang si Mike, na nalaman niyang gusto palang maging pari noon.
Sina Nonie Buencamino at Gina Alajar naman ang gaganap bilang mga magulang ni Mike.
Si Elle Villanueva ang gaganap bilang ang kabiyak ni Mike na si Baby, na nabihag ng kaakit-akit na boses at malupit na punchlines ng broadcaster.
"Kung gaano kalakas ang dating ni Sir Mike, dala ng boses niya at kung ganu'n siya ka-witty. Kung may galawang breezy ngayon, nako iba 'yung galawang breezy niya noon," sabi ni Rocco.
Bukod sa humble beginnings ni Mike, marami ring mapupulot na aral at inspirasyon sa kuwento ng Imbestigador host at anchor ng 24 Oras.
"'Yung commitment at dedication na laging pinapakita ni sir Mike lalo na kapag napapanood natin siya sa 24 Oras, talagang makikita mo na passion is what gets you to somewhere. He is who he is nowadays, pero how he started, kahanga hanga talaga," sabi ni Rocco.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News