Pinabulaanan ng produksiyon ng "Owe My Love" ang mga alegasyon ni Mystica na hindi naging maayos na pagtrato sa kaniya habang nasa lock-in taping ng upcoming show. Sa simula pa lang, batid na umano ng cast ang panuntunan sa lock-in taping kaugnay ng pag-iingat sa COVID-19.
"There is absolutely no truth to Mystica’s claim that she did not know that she will be staying in a resort for the duration of the lock-in taping. Prior to the scheduled lock-in taping, all artists were already informed about the set-up as well as their room arrangements – to which Mystica did not bring up any concerns," sabi ng programa sa isang statement tungkol kay Mystica, na pumasok sa lock-in taping noong Nobyembre 16.
Dagdag ng "Owe My Love," maagang sinabihan si Mystica na makakasama niya si Kiray sa kaniyang kuwarto, at malinaw na may label ng kanilang mga pangalan na "Kiray" at "Mystica" ang pinto ng kanilang kuwarto.
Dumating si Kiray noong Nobyembre 19, tatlong araw matapos dumating si Mystica.
Pero 11 p.m. noong araw ding iyon nang magreklamo at humingi si Mystica na mabigyan siya ng sarili niyang kuwarto. Pero dahil malalim na ang gabi, hindi na ito kaagad napaunlakan pa ng produksyon.
Kinaumagahan, Nobyembre 20, nang mailipat na si Mystica sa sarili niyang kuwarto.
"There is also no truth to Mystica’s claim that she was 'taken for granted.' As part of the house rules, food is usually brought to the assigned area where artists are on standby. But upon request, this can also be delivered to the artist," lahad ng pamunuan ng upcoming Kapuso series.
Nasabihan din si Mystica noong Sabado na ang almusal ay nasa tent ng mga artista sa shoot location, at hindi sa hotel kung saan siya nananatili.
Bukod dito, nasabihan din si Mystica na "for pick up" ang almusal mula sa isa sa mga standby tent. Nagreklamo si Mystica sa ganitong set-up kaya sa sumunod na araw, dalawang production staff ang nagdala ng kaniyang mga pagkain.
Dagdag ng programa, nilabag ni Mystica ang safety protocols noong Nobyembre 22 nang sabihan niya ang guard ng resort na payagan ang anak niyang lalaki na mag-drive sa loob. Bumaba ng sasakyan ang kaniyang anak at personal na nag-abot kay Mystica ng groceries, na walang pahintulot ng programa at labag sa panuntunan na kanilang sinusunod sa lock-in taping.
"As a result of this serious breach of protocol, the program decided to ask Mystica to leave the lock-in taping on November 23. But when the show’s Executive Producer met with her that morning, she was already packed and ready to leave. The production assisted her until she left at around 8:30 am," sabi ng "Owe My Love."
"Owe My Love is doing its best to help make all artists comfortable but it also continues to strictly adhere to the protocols set by GMA Network as well as the concerned government agencies to ensure the safety and well-being of all its artists and production staff," dagdag ng programa. --Jamil Santos/FRJ, GMA News