Kinamumuhian man sa kaniyang kontrabida role na makasarili bilang si Brianna sa "Prima Donnas," malayo naman sa tunay na buhay ang ugali ni Elijah Alejo, na nagdiwang kamakailan ng kaniyang ika-16 na taong kaarawan.

Sa halip kasi na tumanggap ng regalo, mas pinili ni Elijah na mangalap ng donasyon para sa mga nabiktima ng hagupit ng Bagyong Ulysses sa Cagayan.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing simple pero masaya ang naging selebrasyon ng kaarawan ni Elijah kasama "Prima Donnas" family sa kanilang lock-in taping.

"November 15 doon na po ako nag-celebrate talaga tapos nagpaayos pa po ako kay Jillian (Ward), nagpa-make up po ako tapos po inayusan din ako ng stylist namin," masaya niyang kuwento.

Nobyembre 13 pa mismo ang kaarawan ni Elijah, na isang araw pagkatapos humagupit ang Bagyong Ulysses.

Dahil dito, kumalap si Elijah kasama ang fans ng donasyon para sa mga binaha sa Cagayan province.

"Gumawa po kami ng campaign po ng Elijahnatics, may donation drive po kami para po sa mga nasalanta ng bagyo po sa Cagayan," anang kontrabidang si Brianna sa "Prima Donnas."

Ayon kay Elijah, makabuluhan pa rin ang kaniyang ika-16 na kaarawan kahit na maraming nagdaang pagsubok nitong 2020.

Samantala, umabot ng 13 million views ang Tiktok entry ni Elijah kasama si Vince Crisostomo kung saan nag-ala-Brianna siya.

"Ginawa lang po namin 'yun, katuwaan lang po, then nagulat na lang po kami, ilang oras pa lang po, two, three hours, one million views na agad. So parang 'Vince ang ganda ng Tiktok natin! Na-miss nila ang pagiging Brianna ko,'" sabi ni Elijah.

Napapanood ngayon ang mga bagong episode ng "Prima Donnas" kung saan mas challenging ang pagganap niya bilang si Brianna.--Jamil Santos/FRJ, GMA News