Para kay Rhian Ramos, mahalaga na makatotohanan din dapat ang mga eksena na may gay o lesbian roles, para malaman ng mga manonood kung ano ang kanilang mga tunay na karanasan at pinagdadaanan.
“I think naman na the more we do scenes like this, the more na magiging realistic ’yung mga pinapalabas natin. Kasi whether or not ise-censor natin siya, we already know naman na this is real life,” komento ni Rhian sa naging kissing scene nila ni Jennylyn Mercado sa pinag-usapang series nila na “I Can See You: Truly. Madly. Deadly.”
“Sayang din kasi kung hindi mo i-e-explore ’yung kuwento ng tulad ni [Abby]. Bakit pagka straight handang handa tayong i-explore lahat? Na lahat pinapakita natin kung paano sila ma-in love, ’yung buong kuwento napapakita natin,” dagdag ng aktres.
Nagbigay si Rhian ng kaniyang puna sa kung paano pino-portray ang mga gay o lesbian sa telebisyon.
“Tapos most of the time pagka gay roles or lesbian roles, parang ’yung na-e-explore lang natin na part du’n ’yung mga hindi makatotohanan. It’s either nagpapatawa lang or kung may landian man, ’yung isa interested ’yung isa hindi. Alam niyo ’yun?”
Kaya naman para sa kaniya, nakabase rin dapat sa realidad ng mga nararanasan ng mga gay at lesbian ang mga eksena.
“Kailangan din na maging mas realistic tayo at mas true to life ’yung mga pinapakita natin na kuwento,” sabi ni Rhian.
Nabigla ang netizens nang mag-kissing scene sina Rhian at Jennylyn sa series, na nag-premiere noong Oktubre 19.
Inakala ni Rhian noong una na “dadayain” lang ang kissing scene nila ni Jennylyn, ngunit nang malaman niyang game si Jen, pumayag na rin siyang gawin ito nang totohanan. – Jamil Santos/RC, GMA News