Tumuloy si Kris Bernal para sa taping ng Wish Ko Lang sa kabila ng mga pangamba at pagtutol ng fiancé niyang si Perry Choi.

Sa kaniyang latest vlog, inilahad ni Kris na unang beses niya ulit na magtatrabaho sa isang production mula nang ipatupad ang community quarantine.

Tiniyak naman sa kaniya ng production na walang mga kaso ng COVID-19 sa barangay sa Bulacan kung saan nila ishu-shoot ang mga eksena.

At bago magsimula, sumailalim din muna si Kris sa rapid antibody testing.

"Actually hindi ako pinayagan ng fiancé ko but then I told him na this is my job eh, kung hindi ko ito tatanggapin, ano na lang ang gagawin ko? Ano pang puwede kong gawing trabaho?" saad niya.

"I mean, I have my businesses pero hindi naman siya enough to sustain me, hindi naman ako malaking negosyo 'di ba? So I really have to work and this is my passion," dagdag pa ni Kris.

"Gusto kong magtrabaho but talagang extra, extra, extra careful."

Sa isang hiwalay na clip, ipinakita naman ni Kris ang pag-aalaga sa kaniya ni Perry, na pinadalahan siya ng mga pagkain pati na rin ng sanitizer.

"He didn't allow me to do taping but he got no choice. I have to work, it's my job, I'm sorry," sabi ni Kris.

Ngunit kung si Perry daw ang tatanungin, "Hindi puwede," sagot nito.

"Ayaw niya talaga. When I first asked him about it, I asked his permission, sabi niya talaga 'No questions, hindi ka magte-taping. Ayaw," kuwento ni Kris.

"Pero, walang choice," pagpapatuloy ni Kris.

Gumanap si Kris bilang si Jerlyn sa "Kutob" episode ng Wish Ko Lang, na nakaranas ng domestic abuse.

 

—LBG, GMA News