Inihayag ni LJ Reyes ang kaniyang pagiging proud sa anak na si Aki matapos nitong gawan ng isang "customized" na laru-laruang laptop ang kapatid na si Baby Summer.

Sa kaniyang Instagram, ipinakita ni LJ ang laptop na ginawa ni Aki mula sa dalawang karton, na ginuhitan nito ng screen at isang "modified" na keyboard para kay Baby Summer.

Kuwento ni LJ, lagi raw natutuwa si Summer na nakikita ang kuya nito na nag-o-online class at nakakausap pa ang mga kaibigan, kaya nakikikulit na rin siya at kinukuha pa minsan ang laptop.

"Summer has always been happy seeing Aki in front of his laptop esp when there are friends around. Ibig sabihin pag nasa klase sya! Pag break naman sila grabe pa sya maka-hi sa classmates ni Aki! At after class naman ang hirap pag help ko si Aki with school work or pag review kami kasi inaabot ni Summer laptop nya! Kaya ito ang naging paraan ni Aki!" sabi ni LJ.

 

 

Ayon kay Aki, ginawa niyang alphabetical ang keyboard dahil mas sanay doon si Summer.

"A handmade laptop for Summer! Hindi lng daw pwede matupi! But he modified the keyboard in alphabetical order kasi mas sanay daw dun si Summer!!!" sabi ng Kapuso actress.

"Di ko alam pero proud na proud ako kay Aki!" sabi pa ni LJ tungkol sa panganay niyang anak.

Sa kaniyang kaarawan nitong Hulyo 24, wala na raw ibang hiling si Aki kundi "For Summer to grow up to be a good girl." – Jamil Santos/RC, GMA News