Nagsampa ng reklamo sa piskalya ang aktres na si Liza Soberano laban sa isang netizen na nag-post umano ng pahayag na rape "joke" tungkol sa kaniya sa social media.
Ayon sa abogado ng aktres na si Atty. Jun Lim ng Lim & Yutatco-Sze Law Firm, inihain nila ang reklamo sa Office of the City Prosecutor sa Quezon City ngayong Huwebes.
"We filed an e-libel case, and one for unjust vexation and grave threats. Those are the cases that we filed," sabi ni Lim sa panayam sa telepono ng GMA News Online.
Ayon kay Lim, nagpasya ang kaniyang kliyente na si Liza na idemanda ang netizen dahil hindi dapat balewalain ang mga biro at pahayag tungkol sa pang-aabuso.
"We need to understand that rape jokes, rape remarks, these are not just personal offenses to Liza. This is a public concern. That's why Liza feels very strongly about this case and she would want those responsible perpetrators to understand the consequences of their actions," paliwanag ni Lim.
Patuloy niya, "Presently one thing is clear: Liza will prosecute this case to its end. That's the present mandate of our client with us."
Sa vlog post ni Ogie Diaz, manager ni Liza, sinabi nito na ang pahayag ng netizen tungkol sa rape ay ginawa ng isang kawani ng internet service provider sa post naman ng kasamahan nito sa trabaho.
Sabi ni Ogie patungkol sa inireklamong netizen, "Nag-comment ka sa isang post ng ka-trabaho [mo] na ang tinutukoy ng ka-trabaho [mo] ay si Liza Soberano."
Una rito, nagreklamo umano si Liza sa social media tungkol sa mabagal niyang internet connection ng isang service provider kung saan nagtatrabaho ang netizen na kaniyang sinampahan ng reklamo. — FRJ, GMA News