Napili ang pelikula ni Janine Gutierrez na "Babae at Baril" para maging opening film sa 2020 New York Asian Film Festival. "Bittersweet" naman para ito kay si Janine dahil hindi siya makapupunta sa festival dulot ng pandemya.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing magsisimula ang festival sa Agosto 28.
"Medyo bittersweet kasi I was really looking forward to going to the festival, first time ko sanang maka-attend ng film festival sa ibang bansa bilang artista, and I was super, super excited. But nonetheless, sobrang thankful pa rin na kami 'yung magiging opening film representing the Philippines," ani Janine.
Pressured daw ang naramdaman ni Janine sa ibinigay sa kaniyang responsibilidad na kumatawan sa mga pinagdadaanan ng maraming babae sa bansa sa pamamagitan ng pelikula, na mula sa direktor na si Rae Red.
"Madami kasi very deglamorized 'yung role eh ng babae tapos meron siyang madaming pinagdaanan na mga abuse from the day to day abuses of women experience kapag nagko-commute, kapag sa trabaho, hanggang sa malalaking violence," sabi ni Janine.
Streaming na ang pelikula sa Pilipinas at mapapanood na ito sa kabuuan ng Amerika kapag nagsimula ang festival sa New York, kaya excited na rin itong mapanood ng mga Kapuso abroad.
Natanong si Janine kung napanood na ng kaniyang pamilya ang "Babae at Baril."
"Siguro iniisip ko lang kung ano 'yung iniisip nila pero siguro nu'ng mga una akong nag-artista hindi nila in-expect na mga ganitong klaseng pelikula pala 'yung gusto kong gawin," saad niya.
Isa sa mga pinag-usapang entry sa Q Cinema International Film Festival noong Oktubre 2019 ang "Babae at Baril" kung saan hinirang si Janine bilang Best Actress.
Nakabilang din ang pelikula sa Osaka Film Festival sa Japan nitong Marso, pero hindi rin natuloy si Janine dahil sa lockdown. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News