Inihayag ni Kim Rodriguez ang kaniyang pag-aalala para sa kaniyang ina na nagtatrabaho bilang isang nurse sa Japan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
"Si mommy kasi actually nurse siya sa Japan, so may trabaho pa rin siya kahit COVID. So minsan siyempre, nag-aalala ako kasi nga mas lapitin siya ng sakit, na mahawaan ng COVID kasi sa ospital siya nagtatrabaho," sabi ni Kim sa Kapuso Showbiz News.
Sa kabila ng sitwasyon, lagi naman daw niyang nakakausap ang ina at mabuti rin na mababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Japan.
"Siyempre nag-aalala ako para sa mommy ko kasi siyempre bukod sa malayo siya sa akin, hindi ko siya matututukan halimbawa man. Tapos nag-aalala ako kasi baka nga mahawaan siya, pati 'yung kapatid ko," saad pa ng Kapuso actress.
Pinakikiusapan din minsan ni Kim ang ina na mag-leave muna para makapagpahinga kung maaari.
"Minsan nagagalit ako kay mama, 'Mommy baka puwede ka namang mag-leave.' Kasi sinasabi niya na masama ang pakiramdam niya, minsan nag-o-overtime sila. Kasi si mommy pang-night shift siya so baligtad 'yung oras niya, tulog ako, gising siya," pagbahagi pa ni Kim.
"Tapos mahirap para sa akin kasi hindi ko man lang siya matulungan na 'Puwede ba mommy mag-sleep ka muna? Magpahinga ka, ako na muna magtatrabaho para sa atin," patuloy niya.
Bukod kay Kim, ilang Kapuso celebrities din ang may mga kamag-anak na frontliner sa ibang bansa katulad nina Alden Richards at Aicelle Santos.--Jamil Santos/FRJ, GMA News