Nakatapos si David Licauco ng anim hanggang walong online courses na kinuha niya mula sa iba't ibang universities sa abroad, hanggang sa masimulan niya ang kaniyang online business ngayong panahon ng quarantine.
"For me ang pinakanatuwa ako na ginawa ko is probably studying," kuwento ni David sa Kapuso Showbiz News.
"This quarantine I've finished like six to eight online courses sa mga different universities abroad na dapat ginagawa siya for four weeks but every course natapos ko siya in three to four days," pagpapatuloy niya.
Iba raw ang ginawang pagpupursigi ni David sa pag-aaral kumpara sa kaniyang nakagawian noong estudyante pa lamang siya.
"It's just amazing na, coming from me especially. Kasi when I was in high school and college, sobrang hindi ako nag-aaral. Ako 'yung type of person na mahilig mag-basketball, hindi masyadong pumapasok sa school."
"Change of perspective din talaga. I think na because of this quarantine, I should say na I've changed a bit for the better," sabi niya.
Inilunsad ni David ang isang online store at community na tumutugma sa kaniyang fashion at advocacy na hikayatin ang mga tao sa healthy living.
"Nagtayo ako ng business na medyo complicated, medyo away from my comfort zone I should say. I think it's just all about finding those opportunities and then making the ideas happen," ayon sa aktor.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News