Tumanggap ng pagkilala ang Pinoy adaptation ng Kapuso Network na "Descendants of the Sun" bilang Most Popular Foreign Drama of the Year sa 15th Seoul International Drama Awards.

 


Ang "Descendants of the Sun" ang kauna-unahang TV program sa Pilipinas na nakatanggap ng ganitong pagkilala mula sa taunang global festival.

Napabilang ang DOTSPh sa listahan ng mga nagwagi kasama ang iba pang foreign dramas na "Snowpiercer," na likha ng US broadcaster na TNT, at "The New Pope" ng Sky Atlantic at HBO.

Napili ng prestihiyosong award ceremony ang Pinoy version ng GMA mula sa iba pang remake na nanggaling sa orihinal na KBS drama na umere sa South Korea noong 2016, sa pagtampok nito sa impluwensiya ng K-drama, hindi lang sa Asya kundi pati sa buong mundo.

Nagsimulang umere ang DOTSPh noong Pebrero 10, na pinagbidahan nina Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado bilang sina alpha team leader Captain Lucas Manalo at cardio-thoracic surgeon na si Dr. Maxine Dela Cruz, na kilala bilang sina "Big Boss" at "Beauty."

Star-studded din ang cast nito na binubuo nina Rocco Nacino, Jasmine Curtis-Smith, Antonio Aquitania, Ricardo Cepeda, Paul Salas, Jon Lucas, Lucho Ayala, Prince Clemente, Pancho Magno, Renz Fernandez, Chariz Solomon, Andre Paras, Nicole Donesa, Reese Tuazon, Jenzel Angeles, Bobby Andrews, Neil Ryan Sese, Ian Ignacio, Rich Asuncion, Carlo Gonzales, Roi Vinzon, Hailey Mendez, Marina Benipayo, at marami pa.

Ang serye ay pinamamahalaan ng batikang direktor na si Dominic Zapata.

Para maging makatotohanan at maipakita nang tama ang mga karakter ng mga sundalo, nakipagtulungan ang GMA Entertainment Group sa Armed Forces of the Philippines.

Ang Seoul International Drama Awards ay isang festival na may layong bigyag ng pagkilala ang mga propesyunal sa larangan ng TV drama production at media industry at ang global audience na mahilig sa television dramas.

Gaganapin ang festival sa taong ito sa Setyembre 10 sa MBC Media Center Public Hall nang walang audience.--FRJ, GMA News