Dahil tinutoo ni Alessandra de Rossi ang pagsunod sa "stay at home" habang may COVID-19 pandemic, hindi muna tumatanggap ng trabaho ang aktres. At habang walang trabaho at walang sahod, ibebenta na muna niya ang isa niyang sasakyan.

"Nung sinabing stay at home, tinutoo ko siya. And of course sa stay at home na 'yon wala kang financial na papasok, it's all palabas. Lahat ng projects tinatanggihan ko rin," pahayag ng aktres sa Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.

Ginawa raw ni Alessandra ang pagsunod sa stay at home at tinanggihan ang mga alok na proyekto kahit miss na miss na niyang bumalik sa trabaho.

Ngunit dahil may mga kailangan pa rin siyang bayaran, pinili ng aktres na ibenta na muna ang isa niyang sasakyan.

"Dalawa yung sasakyan ko. Binili ko lang yung isa pang relyebo sa coding dahil nga 'pag coding hindi ako lumalabas natatakot akong mahuli ng MMDA," paliwanag niya.

Sa isang tweet ng aktres nitong Martes, nilinaw niya ibinebenta pa lang niya ang sasakyan at hindi pa nabibili.

"Binebenta pa lang po. Wag nyo ako unahan at uutangan na naman ako. Any takers?(tears of Joy emoji)," saad ni Alessadra. 

 

 

Samantala, habang hindi pa siya handang bumalik sa trabaho, ready naman na ang aktres sa kaniyang bagong role na maging tita ng paparating na anak ng kapatid niyang si Assunta.

Ikinuwento ni Alessandra kung gaano na sila ka-excited sa paparating na bagong miyembro ng kanilang pamilya.

"Sobrang excited kami as in 'yung mommy ko sa Italy namimili na ng mga baby clothes," saad niya. "Ang bilis ng mga pangyayari, 'yung ganun."

"Pero nandun na rin ako sa...kapag nanganak siya I think I have to be there," dagdag ng aktres.--FRJ, GMA News