Ipinarating ni Kuya Willie Revillame ang kaniyang pagbati sa longest-running noontime show na "Eat Bulaga," na nagdiriwang ng ika-41 taong anibersaryo ng kanilang programa.

"Congratulations sa 'Eat Bulaga'. 41 years na po sila na nagbibigay ng isang libo't isang tuwa sa buong mundo. Iyan po ang 'Eat Bulaga,'" sabi ni Kuya Wil sa programa niyang "Wowowin-Tutok To Win."

"Fourty-one years nagbibigay... Isipin niyo, mga bata pa lang tayong lahat," dagdag ng TV host.

Kasabay nito, inihayag din ni Kuya Wil na naging inspirasyon niya ang "Eat Bulaga."

"Actually 'yan ang inspirasyon ko. Isang pangarap ko 'yan, Tito (Sotto), Vic (Sotto) and Joey (De Leon), na maging ganoon," sabi pa ni Kuya Wil.

"Awa ng Diyos wala akong Tito, wala akong Vic, wala akong Joey. Meron akong sarili ko lang," natatawang pa niyang sabi.

"Ganu'n ang buhay eh. Sila lang 'yan eh. Ang dami nang tumapat pero wala... walang tumibag, wala talaga. Kaya nga tama [si] Mr. Joey de Leon, laging may bulaga sa kasiyahan," sabi pa ni Willie.

Bukod sa pagpapasaya, kilala rin ngayon ang "Eat Bulaga" sa pagtulong sa mga tao sa ipinagkakaloob ng premyo at mga scholarship pa.

Mayroon ding inihandang special rap para sa "Eat Bulaga" ang Juan and Kyle, na nagpasikat ng kantang "Marikit." Panoorin sa video sa itaas.--FRJ, GMA News