Ipinagdiwang ng longest-running noontime show na "Eat Bulaga" ang ika-41st anniversary ng kanilang programa. Kasabay nito, inilunsad din nila ang bagong scholarship program para sa mga nasa huling hakbang at matutupad na ang pangarap nilang maging duktor o nurse.
Sa pagsisimula ng programa nitong Huwebes, ipinalabas ng "Eat Bulaga" ang video compilation ng mga bata, kasama na si Tali, na kumakanta ng "isang libo, isang tuwa" bilang paalala na "Hangga't may bata, may Eat Bulaga."
May video rin ng pasahan ng mga pagkain hindi lang sa Pilipinas kung hindi maging sa ibang mga bansa. Huling nagpasahan ng pagkain na naging cake sina Senate President Tito Sotto, Bossing Vic Sotto at Joey De Leon, at nilagyan nila ng kandila na kanilang hinipan.
Mayroon ding masayang dance number sa studio nina Allan K., Wally Bayola, Jose Manalo, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza at Alden Richards.
Habang nakisayaw din ang iba pang Dabarkads sa kani-kanilang bahay tulad nina Ryan Agoncillo, Baste, Ruby Rodriguez, Pauleen, Ryzza Mae Dizon, Pia Guanio, Anjo Yllana, Sherilyn-Reyes Tan, Julia Clarete, Gladys Guevarra, at Isabelle Daza.
"Anniversary natin sa 'new normal,' parang book 2 na ito ng Eat Bulaga. At least kahit sa video call nagkikita-kita tayo. Ang mahalaga mapanatili nating malakas at malusog ang ating mga pangangatawan. Mabuhay ang Eat Bulaga book 2!" saad ni Joey de Leon.
Bilang bahagi ng ika-41 aniberasyo nito, tutulungan ng programa si Otit ng Manobo Tribe sa Bukidnon, na nakasama sa Bawal Judgmental noong Hulyo 14, bilang kauna-unahang “New Normal EBest Scholar”
Tutulungan si Otit ng Eat Bulaga sa kaniyang pagre-review hanggang sa makapag-take siya ng board exam at maging ganap na doctor.
Inihayag ni Vic ang kahalagahan ng naturang programa dahil nakita ang mahalagang papel ng mga nurse at duktor bilang mga frontliner ngayong panahon ng pandemic.
“Sa gitna ng pandemyang ating hinaharap, nakita natin na ang isang mahalagang pangangailangan ng bansa ngayon. Kaya minabuti naming unahin munang tugunan ang pangangailangang ito,” sabi Vic.
Sa pamamagitan ng New Normal, EBest scholars, sinabi ni Vic na aalalay ang Eat Bulaga sa mga gastusin mga nangangarap maging doktor at nars na kukuha ng board exam na magiging huling hakbang na bago sila maging ganap na frontliners.
“Kumbaga, sila yung mga board exam na lang puwede nang mag-practice. Kumbaga, ilang tumbling na lang puwede nang manggamot sa mga hospital at sa mga kani-kanilang barangay at baryo," paliwanag ni Bossing Vic.
Nangako naman si Otip na hindi niya sasayangin ang tiwala ng mga Dabarkads.
Ipinaabot din ng Dabarkads ang kanilang mga pagbati sa kanilang social media.
Napa-throwback pa nga si Pauleen sa una niyang pagsabak sa Eat Bulaga.
Isang karangalan ang maging parte ng pagbibigay isang libo’t isang tuwa sa lahat ng dabarkads anumang parte ng mundo. Happy 41st anniversary, @EatBulaga! ♥? pic.twitter.com/W2wHUKTzhe
— Maine Mendoza (@mainedcm) July 30, 2020
--FRJ, GMA News