Nagluluksa ang pamilya ni Mikee Quintos para sa isang malapit nilang kaibigan at kasamahan sa paghahatid ng serbisyo sa kanilang lungsod matapos itong pumanaw dahil sa COVID-19.

"Mga ate ko umiyak, si mom ko, when they heard the news, it was really sad. 'Yung thought pa na, okay hindi ako iiyak pero ... Nakakaiyak lang na 'yung thought na walang burol, hindi puwedeng magburol. Inikot nila 'yung coffin niya in a car sa barangay tapos sobarang biglaan lang ng lahat," emosyonal na sinabi ni Mikee sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras."

Naaawa umano si Mikee sa naulilang pamilya ng kanilang kaibigan.

"I'm praying for everyone who lost a loved one during the COVID pandemic."

Inilabas ni Mikee ang bago niyang single na "Ngayon" na puno ng inspirasyon at pag-asa, na alay niya para sa mga nahihirapan at nawalan ng mahal sa buhay sa gitna ng COVID-19 crisis.

"'Pagkatapos nito, babalik pa sa dati ang ating mundo.' 'Di natin sure 'yun eh, 'di ba? So pagdating sa chorus, 'yung message it revolves around 'Habang wala pa tayo sa bukas huwag nang sayangin pa ang oras.' I really like how the tone, it sends a positive feeling, good vibes siya," sabi ni Mikee.

Humingi rin si Mikee ng happy moments at videos sa mga kapwa niya artista at isinali niya sila sa kaniyang music video, na siya mismo ang nag-edit.

Kasama na rito ang family time ni Solenn Heussaff kasama ang asawa at anak, ang panganganak ni Max Collins sa unico hijo nila ni Pancho Magno, at marami pa.

"I want it to inspire people na gamitin 'yung time na meron tayo ngayon. Gawin na ngayon lahat ng hindi nila nagagawa before and see the brighter side to things with everything that's going on na kahit ang lungkot ng news, kahit ang lungkot ng mga nangyayari sa atin, it's up to us to make good news for us, for ourselves," ayon kay Mikee.

—LBG, GMA News