Inihayag nina Alden Richards at Nadine Lustre na kapwa sila bukas sa posibilidad na magkasama sa isang pelikula.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing parehong ambassador ngayon sina Alden at Nadine ng isang health and fitness competition.

Nakatrabaho na raw ni Alden si Nadine noong nagsisimula pa lamang ang aktres sa career nito.

“During the early stages ng career ni Nadine nagkikita-kita kami doon during ’yung mga Sunday shows namin. Magaan, magaan din. Wala kaming naging hardships ni Nadine during the shoots,” sabi ni Alden.

Natanong ang dalawa kung posible ba silang mapanood sa isang pelikula.

“Yah! That would be awesome,” masayang sabi ni Nadine.

“Yes, yes,” tugon naman ni Alden.

Samantala, makikita sa Instagram account ni Alden ang kaniyang determinasyon na magkaroon ng fit at toned na katawan kahit sa panahon ng lockdown.

Ayon kay Alden, naging hamon sa kaniya na mapanatili ang pagiging healthy ngayong quarantine dahil na rin sa kawalan ng oras sa gym at maraming temptation sa bahay tulad ng pagkain at oras na nakahiga lang.

“Knowing subconsciously that the gyms are closed and physical contact with a lot of people is prohibited, so ang hirap nang ikaw lang nagpu-push sa sarili mo," pahayag niya.

"Kasi you are just at home, andiyan ’yung ref, nasa baba ’yung ref tapos ’yung kama mo lagi kang tinatawag and ’yung online games are always available,” sabi pa ni Alden.

Gayunman, pinahahalagahan pa rin ni Alden ang pag-aalaga sa sarili at kaniyang kalusugan, lalo na't back to work na siya, lumalabas at nakikisalamuha rin sa ibang tao.

“At the end of the day iniisip ko rin kasi if I will not do it, sinong gagawa nito for me? Parang hindi ibang tao ito eh, hindi ako puwedeng mag-rely for other people to push me to be fit and healthy rather than myself,” sabi niya.

Payo naman ni Alden sa mga nananatili sa kanilang mga bahay at nasa work from home set up na "no excuses" dapat pagdating sa exercise.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News