Pinag-aaralan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ginawang pagbabanta ng isang lalaki via online na gagahasain si Frankie Pangilinan, anak nina Senador Francis Pangilinan at aktres na si Sharon Cuneta.
"Tinitingnan na namin, kino-collate na namin 'yung mga information. Tama nga yung sinabi niyo, baka puwedeng i-invoke niya na identity theft or na-compromise lang 'yung account niya, kaya dino-document na namin," sabi ni NBI cybercrime division chief Victor Lorenzo ng Dobol B sa News TV nitong Lunes.
Una rito, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na dumulog sa kaniya si Sharon kaugnay sa isang "Sonny Alcos," na siya umanong nagbanta kay Frankie.
Si Frankie ang nagpasimula ng #HijaAko hashtag bilang tugon sa pagtawag sa kaniya ng TV at radio personality na si Ben Tulfo na "hija," kaugnay sa pagsusuot ng mga babae ng seksing kasuotan at pagiging biktima ng panghahalay.
Una rito, iginiit ni Frankie na hindi dapat sisihin ang mga babae sa kasuotan para maging biktima ng panghahalay. Sa halip, ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang masamang asal ng kalalakihan patungo sa kababaihan.
Sinabi naman ni Guevarra na maaaring magsampa ng reklamo si Cuneta kung nanaisin nito.
"Should the complaint prosper, however, our courts must acquire jurisdiction over the person of the defendant before he could be tried," anang kalihim.
Bago nito, gumawa na ng paraan si Sharon para matukoy ang netizen na nagbanta nang masama sa kaniyang anak.
"God help you when I find you. Hindi kita patatahimikin," sabi ng aktres sa kaniyang social media post.
"I will personally make sure this kababuyan you have posted to disrespect my daughter in this despicable, malicious, and insidious way will be of great interest to them," dagdag pa niya.--FRJ, GMA News