Hindi ikinaila ni Rocco Nacino na may pangamba siya kapag nagbalik na sila sa trabaho dahil wala pa ring gamot na panlaban sa COVID-19.
"Kung ako lang, in my honest opinion, andu'n 'yung takot ko eh, kasi when you say taping, automatic mass gathering na 'yan," saad ng aktor na kabilang sa maaksyong Kapuso hit primetime series na "Descendants of the Sun."
Matapos ang halos tatlong buwan, pinapayagan na ngayong bumalik sa trabaho ang ilang nasa sektor ng showbiz industry basta susundin ang itinakdang health at safety protocols laban sa COVID-19.
Pero dahil maaksyon ang mga eksena sa "Descendants of the Sun," sinabi ni Rocco na baka hindi raw maiwasan ang close contact ng mga kasali sa serye.
Idinagdag pa niya na ayaw naman nilang masira ang magandang istorya ng "Descendants of the Sun."
"Yung istorya ng Descandants of the Sun, may sinusundan talaga 'yan eh. 'Yung mga fight scene, mga scene na tumutulong kami sa mga baryo, 'yung mga usapan namin that's really not following the guidelines already eh," sabi ni Rocco sa Kapuso Showbiz News.
"Napag-usapan din namin parang nakakatakot ding i-risk, masisira din ang story. So it's always better to wait it out na lang once everything gets better," patuloy pa niya,
Inaalala rin ni Rocco ang mga kasamahan niyang may mga pamilya.
"Hindi naman lahat ng kasama ko ay tulad ko, wala pang anak, wala pang pamilya. Ako kaya ko pang mag-taping. Pero paano 'yung iba na may families nga? So that's the scary thing," sabi niya.
"Mas okay na maghintay muna, make sure na may vaccine na tayo, safe na lahat," ayon kay Rocco. --Jamil Santos/FRJ, GMA News