Matapos iwan ang showbiz sa Pilipinas, naging nurse sa Amerika ang singer at dating aktres na si Carol Banaw, na ngayon ay kabilang sa hanay ng mga medical frontliner sa Amerika, ang bansang may pinakamaraming kaso ngayon ng COVID-19 sa mundo.

Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ni Carol ang kaniyang larawan na nagpapakita ng bago niyang Personal Protective Equipment (PPEs) na gagamitin sa pagsabak sa coronavirus.

Ayon sa mang-aawit, nakatakda siyang tumulong sa ibang unit dahil sa inaasahang pagdami pa ng mga dadapuan ng virus sa US.

“New gear. I just got word that I will be floating out of my home unit starting next week to train and help out other units in the next few weeks," saad niya. “We're preparing for the incoming surge of COVID-19 patients. Grateful to receive this added protection just in time.”

Taong 2003 nang iwan ni Carol ang showbiz ang manirahan sa Amerika kasama ang kaniyang mister at dalawang anak.

Nagpatuloy din siya ng pag-aaral at nagtapos na summa cum laude sa Northern Virginia Community College sa Washington D.C. noong 2018 sa kursong nursing.

Kabilang sa mga kantang pinasikat niya ay ang "Tanging Yaman," “Bakit ‘Di Totohanin,” at “Iingatan Ka.” --FRJ, GMA News