Labis ang paghanga at pasasalamat ni Alden Richards sa lahat ng "frontliners" na itinataya ang sariling kaligtasan para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19). Hindi rin niya naalis ang mangamba sa kaligtasan ng kapatid niyang nurse na nasa California.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ibinabahagi ni Alden na isang nurse sa California ang nakatatanda niyang kapatid na lalaki.
Naka-lockdown umano ang kinaroroonan ng kaniyang kapatid at pinayuhan niya itong huwag na lang pumasok.
Pero naiyak si Alden nang ibahagi ang naging tugon sa kaniya ng kapatid.
"Pinipilit ko siya na huwag nang pumasok kasi naka-lockdown sila but sabi niya sa 'kin parang kawawa 'yung mga pasyente," saad ni Alden na sandaling natigilan at sinabing, "Naiyak tuloy ako."
"I feel for him kasi kailangan niyang gawin 'yung trabaho sa community," patuloy ng aktor.
Pinasalamatan din ng aktor ang lahat ng tinatawag na frontliner na lumalabas ng kani-kanilang bahay para gampanan ang kanilang tungkulin upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sinaluduhan din niya ang mga mamamahayag para patuloy na makapagbigay ng tamang impormasyon sa publiko.
"Thank you so much sa inyong lahat. Andito lang kami kahit hindi man kami nandyan physically but our prayers our hearts and minds goes to them," sabi ni Alden. "Sana matapos na 'to, 'yun na lang talaga 'yung pinagdadasal nating lahat."
Kamakailan lang ay nagbigay ng pagkain si Alden sa mga COVID-19 frontliner sa BiƱan City, Laguna.
Dahil nananatili rin sa bahay bunga ng umiiral na community quarantine, sinabi ni Alden na ginagamit niya ang panahon na maka-bonding ang pamilya.
"Life is short, hindi tayo sigurado kagaya nitong COVID-19 parang akala natin ganun-ganun lang 'yung virus pero it's taking toll in all of us," pahayag niya.
Ngayong Lunes, inihayag ng Department of Health na 462 na ang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at 33 na ang nasawi. --FRJ, GMA News