Mula "Fairy Godmother ng Bayan," magiging "Ate ng Bayan" si GMA News Pillar Vicky Morales sa bagong reality-drama program na "Ilaban Natin 'Yan."
Layon ng "Ilaban Natin 'Yan" na talakayin at tugunan at iba't ibang issues na kinahaharap ng mga pamilya at komunidad, sa tulong ng payo ng mga eksperto.
"Napapakinggan natin 'yung pinagdaraanan ng ibang tao at nakaka-relate tayo dahil alam natin, napagdaraanan rin natin 'yan sa ating mga pamilya. Very relatable siya at magkakaroon din tayo ng mga tao [o expert] na makakapagsabi kung ano talaga ang best way na mapag-ayos sila, ano ba talaga 'yung just way. Lahat 'yan sa isang programa," saad ni Vicky sa isang video ng GMANetwork.com.
Ayon kay Vicky, wala siyang babaguhin at magpapakatotoo siya sa sarili bilang "Ate ng Bayan."
"Preparations, actually wala. Kasi this is me. Sabi ko talaga sa kanila, I really want to be myself in the show and I'm not gonna try to be someone I'm not. Talagang ito ako, and I would just bring into the show may be my experience as a mom, as a sister, as a daughter, lahat ng experience ko in the past so many years 'yan ang ibibigay ko sa show," saad ng 24 Oras anchor.
Magkakaroon ang Ilaban Natin 'Yan ng "travelling confessional" kung saan ihahayag ng mga tao ang kanilang mga saloobin. Layon din ng programa na mapagbati ang mga pami-pamilya.
Inihayag naman ni Vicky ang kaniyang saloobin sa pagtatapos ng "Wish Ko Lang," pero sinabi niyang "fresh air" ang "Ilaban Natin 'Yan."
"Well siyempre medyo sentimental kasi 16 years ko na ginagawa 'yung Wish Ko Lang. But this one is like a breath of fresh air. Bago siya, iba siya sa mga ginagawa ko, iba siya sa news, iba siya sa Good News, iba siya sa Wish Ko Lang, and it's something I'm excited about kasi iba 'yung format niya at nakikita ko 'yung mga case studies namin at lahat, very interesting 'yung mga kinakaharap nilang mga challenge sa buhay," pahayag niya.--FRJ, GMA News