Ipinakilala na ang mga pinakabagong Kapuso artists sa mas lumalaki pang pamilya ng GMA Artist Center. Kabilang sa kanila ang anak ng isang senador.
Ang mga bagong Kapusong iidolohin ay sina Anjo Damiles, Jon Lucas, Fhaye Lorenzo, Ysabel Ortega, Angela Alarcon, at Erin Ocampo.
Matatandaang kabilang noon sa all-male dance group sa ibang network si Jon Lucas bago maging Kapuso. Galing din ng ibang network ang aktor at model na si Anjo Damiles.
Isa namang gamer at model din si Fhaye Lorenzo, na nagsimula na ring mapanood sa "Bubble Gang."
Si Ysabel naman ay ang anak ni Senator Lito Lapid kay Department of Social Welfare and Development Assistant Secretary Michelle Ortega.
Si Angela naman ang anak ng actor-politician na si Jestoni Alarcon, na bukod sa cum laude ay black belter pa sa Taekwondo. Sporty si Angela, na mahilig din sa boxing, basketball at volleyball.
Dating miyembro ng all-female dance group si Erin sa iba ring network.
Excited na silang lahat sa kanilang panibagong journey sa pag-aartista sa Kapuso Network.
Makakasama sina Anjo at Fhaye sa upcoming drama na "Madrasta," samantalang bahagi ng Alpha Team ng Pinoy adaptation na "Descendants of the Sun" si Jon.
Gaganap bilang PDEA agent si Erin sa "Beautiful Justice," at makakasama niya rin sa serye si Angela.
Mapapabilang naman si Ysabel sa "The Gift" ni Alden Richards.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News