Sa kanilang pagsasama sa Kapuso drama anthology na "Wagas," inihayag ni Sunshine Dizon ang kaniyang paghanga sa batang aktres na si Leanne Bautista dahil sa maganda nitong ugali. Ayon kay Sunshine, ito ang magiging susi para lalo pang umusbong ang career ng child star.

"Siyempre po nag-e-enjoy po ako na kasama ko po ulit sila kasi po ang babait po talaga nila sa akin. Si Miss Sunshine po nagbibigay po ng tips tapos kami po ni kuya Mike, naglalaro rin po kami minsan. Kaya ang saya ko po kasi makakatrabaho ko po sila," saad ni Leanne sa media conference ng "Wagas" nitong Huwebes sa GMA Network.

 

 

Ikinuwento ni Sunshine ang bonding moments nila ni Leanne sa set.

"Ichi-chismis ko na lang, kasi tentmate ko 'to. Masarap 'to kumain. Mag-e-enjoy ka sa kaniyang panoorin siyang kumain. Favorite ko itong tentmate. Kasi 'pag kunwari may baon ako, bibigyan ko siya, kahit kakakain lang niya, kakain siya ulit pero ang payat!"

"Pero magana itong kumain, nakakatuwa itong bata na ito," dagdag ni Sunshine.

Pero ang pinakahinangaan ni Sunshine ay ang pagiging magalang ni Leanne sa mga nakatatanda sa kaniya.

"Tsaka sobrang magalang. Alam mong napalaki nang tama. And kahit sa, kunwari alam mong pagod na rin siya with all the sequences that she did, wala kang maririnig sa kaniya. Always smiling, always 'Opo!' 'Okay lang po!' puro gano'n. Nakakatuwa. You have to watch out for this kid. She's gonna be a very good actress," sabi pa ni Sunshine.

Maganda rin ang natutunan ni Leanne sa kuwentong "Throwback Pag-ibig," na siyang unang episode ng Wagas sa GMA-7.


 

"'Yung natutunan ko po dito sa story po na ito, dapat kahit ano pong problema, kahit may malubha ka na pong sakit, dapat lagi ka pa rin pong positive," ani Leanne.

Si Leanne ang magiging anak nina Sunshine at Mike Tan sa "Throwback Pag-ibig."

Si Mike ay si Ryan samantalang si Sunshine ay si July. Dahil sa isang trahedya kung saan mawawala ang anak nilang si Smile (Leanne), sisisihin ni Ryan si July, magagalit sila sa isa't isa at masisira ang kanilang relasyon.

Ngunit madidiskubre nila kalaunan na buhay pala ang kanilang anak, pero may dinadamdam na itong sakit. Magkabalikan pa kaya sina Ryan at July para sa kapakanan ng kanilang anak?

Mapapanood ang Wagas sa GMA-7 Lunes hanggang Biyernes simula Setyembre 2, bago mag-"Eat Bulaga."--FRJ, GMA News