Sa programang "Tunay Na Buhay," nagkuwento si Senator Manny Pacquiao tungkol sa paraan niya ng pagdisiplina ng kaniyang limang anak. Alamin din kung payag na ba talaga siyang magboksing din ang anak na si Jimuel.
Sa panayam ng bagong host ng programa na si Pia Arcangel, sinabi ng eight-division world champion na si Pacquiao na hindi siya ang klase ng ama na namamalo ng anak.
"Ako kasi ang magulang na hindi ko sila pinapalo. Kinakausap ko sila; "Ganito 'yan sa tingin nyo kaya magagalit ako sa sa'yo kung tama ginagawa mo. Alam namin na makakasira sa'yo 'yan eh kaya namin inaano... Siyempre kung umabot pa tayo sa magpapalo kami sa inyo, papagalitan naman kayo kasi mapapahiya din kayo," paliwanag niya kung papaano niya kausapin ang anak.
Binibisita rin daw niya ang mga anak sa kanilang mga kuwarto at sinasabihan na magbasa ng biblia para makasanayan din nila.
Samantala, inihayag ng Pambansang Kamao na hanggang ngayon ay nag-alinlangan siya kung papayagan niyang sumunod sa yapak niya sa boxing ang anak na si Emmanuel Jr. o Jimuel.
"Dini-discourage pa rin namin siya," saad ng senador.
Tila nagbago na rin naman daw ang isip ni Jimuel.
"Nagbago na rin isip niya. Kasi 'pag naranasan niya ang mga training, hindi pa 'yun 'yung training. 'Yung training na 'yun, 30 percent pa lang 'yun sa real boxing talaga. 'Pag sa professional, matindi 'yung training," kuwento niya.
Panoorin ang buong bahagi ng naturang panayam sa video na ito.
--Jamil Santos/FRJ, GMA news