"Starstruck" hopeful na rin si Jeremy Sabido, na sa murang edad ay inabandona ng tatay pero inampon ng isang beki na kaniyang naging tatay-tatayan. Katunayan, naitampok pa sa "Magpakailanman" ang kuwento ng kanilang buhay.

Bata pa lamang si Jeremy at ang kaniyang mga kapatid nang magkaroon ng trahediya sa kanilang pamilya. Dahil sa sakit, pumanaw ang kanilang ina, na labis na ikinalungkot ng kanilang ama.

Dahil hindi alam ang gagawin, nagpasya ang ama nina Jeremy na iwan na lang sila.

"Iniwan po kasi kami ng dad ko sa hotel, three days," kuwento ni Jeremy sa showbiz reporters sa media conference ng "StarStruck" Season 6 Final 14.

 

 

Dati nang inilahad ni Jeremy sa "Magpakailanman" na nang mapunta silang magkakapatid sa DSWD, dito na sila inampon ng pamangkin ni Tatay Pepito.

Kalauna'y naghati-hati ang mga kapatid ni Tatay Pepito sa pag-ampon sa kanilang magkakapatid. Si Jeremy ang napunta kay Tatay Pepito.

"To tell you honestly po, ayoko sa dad ko eh, nu'ng umpisa nu'ng mga araw na 'yun, hindi ko siya tinatawag na daddy. Pepito lang," saad ni Jeremy.

"Nu'ng bata po ako naging masama po ako, rebelde po akong bata. Kalaunan parang nakukuha niya na po 'yung loob ko. Binibigyan niya ako ng damit ng chocolates, anything na gusto po ng bata," dagdag pa niya.

Si Tatay Pepito na ang nagpaaral kay Jeremy, na tinulungan din ng iba pang friends ni Tatay Pepito na beki.

"Hanggang lumaki po ako marami po akong kasamang bading. Lumaki nga po ako kay tito Cesar (Gaupo, yumaong kilalang fashion designer) po eh, sila po 'yung nagpaaral sa akin, sila po 'yung tumulong sa akin ibenta 'yung personality ko."

Nang tanungin si Jeremy kung proud siya sa kaniyang adoptive father, "Super proud po. Hindi ko po iiwan ang daddy ko."

Nasa Laguna ngayon si Tatay Pepito, habang pansamantalang nananatili si Jeremy sa Cainta.

Inihayag ni Jeremy na si Dennis Trillo ang iniidolo niyang Kapuso star.

"Ang galing niya po eh, kahit gay role. Du'n ko po siya naging idol kung paano umasta 'yung gay... 'Husbands Lover,' nasubaybayan ko po."

Nilinaw naman niya na hindi niya masyadong gusto ang mga indie film na sobrang sexy. --FRJ, GMA News