Nang pumanaw nitong Huwebes ng hapon ang actor-director na si Eddie Garcia, nasa tabi niya ang kaniyang life partner na si Lilibeth Romero, ayon sa tagapagsalita ng pamilya na si Dr. Tony Rebosa.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News TV "State of the Nation Address," sinabi ni Rebosa na kahit papaano ay mas kalmado na umano si Lilibeth kumpara sa nagdaang mga araw.
Sabi pa ni Rebosa, batid na umano ni Lilibeth na payapa na si Eddie at wala nang nararamdamang sakit.
Batay sa inilabas na medical bulletin ng Makati Medical Center, sinabing pumanaw si Eddie kanilang 4:55 p.m.
Hindi umano inasahan ng pamilya ang nangyari kanina dahil patuloy umanong lumaban ang aktor nitong tanghali.
Ayon din kay Rebosa, sa Biyernes ihahayag ang detalye tungkol sa burol ng aktor.
Inihayag naman ng stepson ni Eddie na si 1-Pacman Representative Mikee Romero, na dadalhin ang mga labi ng kaniyang ama-amahan sa Heritage Park sa Taguig para sa cremation.
Magsisimula umano ang viewing sa Biyernes ng 9 a.m. at tatagal hanggang sa Linggo.
Ayon sa miyembro ng pamilya na si Henry Vegas, isa umano sa naging bilin noon ni Eddie na i-cremate siya kapag pumanaw.-- FRJ, GMA News