Matapos na iwan ang showbiz at manirahan na sa Australia noong 2017, ipinakita ni RJ Padilla kung gaano niya nami-miss ang mga kasamahan niya sa "Bubble Gang" sa pamamagitan ng madamdaming mga mensahe sa kaniyang Instagram posts.
Kasabay ng pasasalamat sa kaniyang mga nakatrabaho sa longest-running gag show sa bansa, nagbigay si RJ ng mga mensahe sa ilang mga kasamahan tulad nina Michael V, Paolo Contis, Betong Sumaya, Boy 2 Quezon at iba pa.
"Sa halos apat na taon ko sa Bubble Gang, napakaganda ng aking nabitbit sa aking buhay hindi lang sa pagpapatawa, may na bitbit din ako na nakatulong at nagpatibay sa aking pagkatao," saad niya.
Ayon kay RJ, si Michael V ang naging gabay nito at tagapayo pagdating sa pagiging ama at asawa. "Kay kuya @michaelbitoymaraming salamat po sa mga gabay oh mga payo kung paano po maging tunay na AMA at ASAWA. Sa mga pagpapatawa sa amin sa set na kahit minsan ay pagod na pagod na tayo sa ating mga pinaggagawa sa buhay natin. you never fail to put a smile on our face kuya bitoy," kuwento ni RJ.
Ikinuwento naman ng aktor na hanggang sa Australia ay may mga nagtatanong sa kaniya tungkol kay Paolo na inaakala umanong mayabang.
"Maraming nagtatanong sa akin na kahit hanggang dito sa Australia kung mayabang ka ba raw? lagi kong sinasagot sa mga tanong nila Hindi ka mayabang mukha lang pero pag nakilala ka talaga nila ay isa kang totoong tao! Napa honest mo kuya pao," ayon kay RJ.
May kasama namang paghingi ng paumanhin ang mensahe ni RJ kay Betong.
"Unang-una pagpasensyahan mo na sa mga biro ko na minsan hindi na ako nag-iisip at nakakasakit na pala ako! but by the Grace of God i learned from my mistakes! I will always respect you kuya betong mapaano ka man! labyu kuya bets your truly an amazing person," patuloy ni RJ.
May mensahe rin siya sa nag-iisang close na babae sa Bubble Girls na si Chariz Solomon, "MARS!!!Maraming salamat at nakinig ka sa mga kwento ko at sa pagiging totoong tao! Isa ako sa humahanga sa pagpapatawa mo!"
-- FRJ, GMA News