Nakatawag ng pansin sa mga netizen ang isang social media post tungkol sa batikang aktres na si Chin Chin Gutierez, na sinasabing isa nang madre sa pangalang "Sister Lourdes."

"GOD really works in ways we could hardly fathom! Congratulations for answering the call to Vocation SR. LOURDES. PRAYERS FOR YOU..." saad sa caption ng Facebook post ni Vicksay M. Josol, na makikita ang larawan ng aktres.



Taong 2010 nang tumigil sa pag-aartista si Chin Chin na hinangaan sa kaniyang kagandahan at husay sa pag-arte kaya ilang pagkilala ang kaniyang natanggap.

Bukod sa pagiging artista, isa ring environmentalist si Chin Chin.

Noong 2006, nagtamo ng paso sa mukha at paa si Chin Chin nang masunog ang kanilang bahay sa Quezon City dahil sa pagsagip sa kaniyang inang maysakit.  Pero pagkaraan ng ilang linggo, pumanaw din ang kaniyang ina.

Muling nasunugan ng bahay ang aktres noong 2010.

Pagkaraan ng tatlong taon, napabalitang pumasok na sa kombento ng Carmelite Sisters si Chin Chin pero walang naging kompirmasyon kung talagang magma-madre siya.

Sa Facebook post, marami ang sumuporta at bumati kay Chin Chin bilang Sister Lourdes. -- FRJ, GMA News