Marami ang humanga sa husay sa pagsasayaw ni Dante Gulapa, na binansagang "big papa" ng netizens. Ngayon, itatampok sa "Magpakailanman" ang buhay ng dating macho dancer, na gagampanan ng isang Kapuso hunk.
Unang gumawa ng ingay sa social media ang pangalan ni Dante nang mag-trending ang kaniyang dance cover sa saliw ng viral song na "Kahit Ayaw Mo Na."
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," inamin ni Dante na dati siyang macho dancer at hindi raw niya ito ikinakahiya.
READ: 'Big Papa' ng social media na si Dante Gulapa, aminadong dati siyang macho dancer
“Hindi po ako nahihiya na ganun kasi wala naman po akong ginagawa, nagsayaw lang naman ako. At saka, alam ko naman po kung ano 'yung bawal sa hindi,” sabi niya.
Sa darating na Sabado, March 23, matutunghayan sa "Magpakailanman" ang masalimoot na pinagdaanan ng buhay ni Dante na maaaring kapulutan ng aral at inspirasyon.
Sa episode na "Viral Macho Dancer: The Dante Gulapa Story, gaganap na Dante ang Kapuso hunk actor na si Jak Roberto. Kasama rin si John Kenneth Giducos bilang batang Dante, at pati na rin mismo si Dante.
Mapapanood din sina Rich Asuncion, Maureen Larrazabal, Vangie Labalan, Analyn Barro, Kevin Sagra, at Orlando Sol, sa direksyon ni Conrado Peru. Mula ito sa panulat ni John Roque at pananaliksik ni Cynthia delos Santos. -- FRJ, GMA News