Hinatulang  guilty ng Taguig City Metropolitan Trial Court sina Cedric Lee at Deniece Cornejo sa kasong grave coercion na isinampa ni Vhong Navarro.

Sa exclusive report ni Rachelle Siazon sa PEP.ph nitong Biyernes, sinabing kasama rin sa hinatulang guilty ni Judge Bernard Pineda Bernal si Jed Fernandez.

Pinawalang-sala naman ang kapatid ni Cedric na si Bernice Lee.

Sabi sa isang bahagi ng resolusyon ng korte, "Wherefore, premises considered, judgment is hereby rendered finding accused DENIECE MILLINETTE CORNEJO, CEDRIC CUA LEE, AND SAJED FERNANDEZ ABUHIJLEH a.k.a. JED FERNANDEZ GUILTY beyond reasonable doubt of the crime of Grave Coercion and, applying the Indeterminate Sentence Law, sentences them to suffer the indeterminate penalty of (6) months arresto mayor as minimum, to (3) years and (6) six months of prision correccional medium as maximum."

Ang kaso ay bunsod ng pambubugbog umano ng grupo ni Cedric, paggapos, at pananakot kay Vhong noong gabi ng January 22, 2014 sa condo unit ni Deniece sa Taguig City.

Ayon kay Atty. Alma Mallonga, abogado si Vhong,  “very happy” ang kaniyang kliyente na kasalukuyang nasa Amerika nang malaman umano ang desisyon ng korte.

Samantala, patuloy pa rin ang pagdinig sa hiwalay na kasong serious illegal detention na isinampa ni Vhong laban kina Cedric, Deniece, Jed, at Berniece.

Kamakailan lang, tuluyang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong rape at attempted rape na isinampa laban ni Deniece laban naman kay Vhong dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya laban sa aktor. -- For the full story, visit PEP.ph