Matapos ang matagumpay na seryeng "Ika-6 Na Utos," may panibagong "utos" na tutukan sa GMA Afternoon Prime-- ang "Ika-Limang Utos," na pinamahalaan ng batikang direktor na si Laurice Guillen.

Sa Star Bites report ni  Aubrey Carampel sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nagsimula na ang taping ng bagong serye na pagbibidahan nina Jean Garcia, Tonton Gutierrez, Valerie Concepcion at Gelli de Belen.

Pagtiyak nila, pasabog agad ang mapapanood ng mga Kapuso sa pilot week nito.

"Napakaganda ng script. Ito 'yung isa sa nabasa ko na teleserye na pilot week na sobrang nagustuhan ko," ayon kay Jean.

"Maraming mangyayari sa unang linggo pa lang. Full packed ang istoryang ito napakaganda, ang daming twists," sabi naman ni Tonton.

Memorable naman kay Gelli ang kaniyang nagbabalik-Kapuso dahil nataon sa kaniyang birthday ang kaniyang first taping day.

"Nakakanerbiyos din baka mamaya may magkasakitan kami talaga or hindi namin ma-fulfill ang dapat ma-fulfill in that sequence. But nevertheless exciting pa rin siyempre something new," anang aktres.

Sinabi naman ni Valerie na tiyak na kaiinisan ang kaniyang karakter sa serye dahil itotodo na raw niya ang kaniyang pagiging kontrabida.

"I've done a lot of kontrabida roles already but this one I think is the baddest of them all. Ganu'ng level," saad niya. -- FRJ, GMA News