Arestado ang aktor at komedyanteng si "Kuhol", Philip Supnet sa tunay na buhay, matapos ireklamo ng umano'y pangmomolestiya ng isang menor de edad, na inaanak pa man daw nito.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Sabado ng umaga, dinalaw pa ni Quezon City Police District director Guillermo Eleazar si Kuhol sa detention cell ng QCPD Station 5.
Komedyanteng si Kuhol, nadakip dahil sa pangmomolestiya sa kaniyang inaanak sa Quezon City. #SuperBalitaSaUmagaSabado
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 14, 2018
Inireklamo si Kuhol ng pangmomolestiya ng kaniyang kumpare dahil diumano hinalikan nito ang kaniyang 10-anyos na anak na babae. Inaanak pa man din ito ni Kuhol.
Nangyari umano ang insidente dakong alas otso ng gabi sa North Fairview noong April 12.
Ayon sa mga pulis, pumunta umano raw ang bata sa tindahan ng ninong niyang si Kuhol para magpa-load.
Pahayag naman ni Kuhol, nanghingi raw ng pera ang inaanak at binigyan niya ng P10. Nang tumawad daw ang bata ng bente pesos, lumabas siya at inabot ang sampung pisong dagdag sabay halik sa bata.
Dagdag ni Kuhol, sa cheeks lang daw niya dapat hahalikan pero sa labi raw tumama.
Nagulantang ang bata at nagsumbong sa tatay. Kaya dumulog ang pamilya sa barangay na nagpa-assist sa mga pulis.
Desidido ang pamilya ng bata na magsampa ng reklamo laban kay Kuhol.
Na-inquest na siya at sinampahan ng Women and Children's Protection Desk ng kasong Child Abuse.
Wala ang biktima sa presinto maging sinumang kinaatawan ng kanyang pamilya.
Ayon kay Guillermo, bailable ang kaso pero kung mapatunayan, makukulong daw si Kuhol.
Dating kagawad sa Barangay North Fairview si Kuhol. —LBG, GMA News