Makaraang makalaya nitong nakaraang Disyembre mula sa mahigit isang taong pagkakakulong, magbabalik na sa showbiz si Mark Anthony Fernandez na pumirma ng kontrata sa Viva Films nitong Huwebes.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras,"  sinabing bahagyang nadagdagan ng timbang si Mark pero nananatili pa rin ang kakisigan.

Kasama ni Mark ang kaniyang inang si Alma Moreno nang pumirma ng kontrata ang aktor sa Viva nitong Huwebes.

"Sobrang saya for Mark na pinagdadasal  ko na sana Diyos ko tuloy-tuloy 'tong kay Mark, yung work niya at tuloy-tuloy na rin yung clean living ni Mark," ayon sa aktres.

Isa umano sa mga pelikulang gagawin nila ni Mark ay reunion movie nila ng dating girlfriend na si Claudine Barretto.

"I feel very honored and excited also na magkaka-reunion kami," sabi ng aktor.
Tungkol sa isyung nakabuntis siya ng dalawang jail officers habang napiit sa Pampanga, sinabi ni Mark na "fake news" ito.

"Hindi po totoo 'yon, hindi po totoo. Kawawa naman po sila, natsitsismis po sila. Baka maano pa sila ng mga boss nila. In fact, ni hindi ko po sila acquaintance. It was a fake news," paglilinaw ni Mark.

Nagpapasalamat din ang aktor na natapos na ang madilim na bahagi ng kaniyang buhay nang makulong siya.

"Yung buong proseso, 'yung buong stay po doon, talagang mahirap po para sa akin. I consider it a nightmare nang konti pero sa awa ng Diyos, tapos na po 'yon," pahayag pa niya.-- FRJ, GMA News