Puspusan man sa paghahanda para sa kanilang upcoming serye, sinabi ng cast ng "Sherlock Jr." na gumagaan ang kanilang pakiramdam at nawawala ang kanilang pagod sa tuwing nakakasama nila ang pinakabagong Kapuso at "Wonder Dog" na si Serena o "Siri."
Sa GMA News "Unang Balita" ni Lhar Santiago, sinabing magsisimula na ang "Sherlock Jr." sa Lunes, Enero 29, na pinagbibidahan ng stellar cast kasama sina Ruru Madrid, Gabbi Garcia, Janine Gutierrez, Andre Paras, at AiAi delas Alas.
Ayon kay Ruru, may isang bagay raw na hindi kanais-nais ang mangyayari sa serye na susubukang lutasin ng kaniyang karakter.
"May isang mangyayaring bagay na hindi natin magugustuhan, at 'yun 'yung nag-push sa 'kin para i-solve 'yung crime na 'yun. And siyempre tatakbo rin siya sa pagkakaibigan naming dalawa ni Siri," sabi ni Ruru.
Unang pagkakataon daw ito ni Janine na may makasamang aso sa taping, kaya sobra siyang natutuwa.
"Super fun kasi ngayon lang ako nagkaroon ng kasama na aso sa taping. Minsan dati pinapabisita ko 'yung dog ko sa akin sa set pampatanggal ng pagod or 'pag inaantok na, pinapasundo ko 'yung dog ko. So ngayon everyday, the whole day may kasama kaming dog, so super saya," sabi ni Janine.
Na-develop na rin daw ang bonding ng cast sa serye, ayon kay Andre.
"Lahat po kami close kasi kahit breaks or 'yung mga hindi pa nagro-roll 'yung camera, nakikipagkuwentuhan. So whatever happens, every taping, we get to learn something about each other," sabi ni Andre.
Nakaka-aliw, nakakatanggal ng pagod at nakakapag-bigay inspirasyon daw si Siri sa cast ng serye.
"Sa tingin ko lahat ng tao mai-in love kay Siri kasi sobrang cute, sobrang talino tapos umaarte talaga siya," sabi ni Janine.
"Na-love at first sight ako kay Siri. And unti-unti niyang napawala 'yung takot ko sa mga aso," sabi ni Ruru.
"Nakakawala siya ng stress and of course nakakapagbigay-confidence sa akin to work kahit gabi, knowing that andu'n si Siri. Nakaka-inspire talaga," sabi ni Andre.
— Jamil Santos/LA, GMA News