Para mas lalong maging makatotohanan ang bagong GMA adbokaserye na, "Hindi Ko Kayang iwan Ka" na ukol sa HIV/AIDS, naghanap daw ang researchers ng programa ng case study na maaaring pagbasehan ng istorya.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dahil seryoso ang tema ng bagong Kapuso series, naging mabigat din para sa mga bidang sina Yasmien Kurdi at Mike Tan ang mga eksena sa kanilang taping.
Gumaganap si Yasmien bilang si Thea, isang asawa at ina na mayroong HIV, habang asawa naman niya si Mike na masusubok din ang katatagan.
At para mas lalong maging makatotohanan ang programa, naghanap daw ang mga researcher ng case study na maaaring pagbasehan ng istorya.
"Na-meet namin. Mayroon din siyang dalawang anak, mayroon din siyang asawa, married pa rin siya hanggang ngayon," ayon kay Yasmien.
Napapanahon ang kuwento ng srye lalo na ngayon na mataas ang bilang ng HIV/AIDS cases sa bansa.
"Para din matutunan ng mga Kapuso natin kung paano maiiwasan na magkaroon ng HIV. At kung mayroon ka 'man, papaano siya...hindi siya maku-cure pero paano mo alagaan ang katawan mo na hindi ka dapat ma-depress kapag may sakit kang hiv dapat humingi ka ng tulong," paliwanag ni Mike.
First time magsasama sa isang soap sina Yasmien at Mike kahit na matagal na raw silang magkaibigan. Nakakatulong daw ang kanilang closeness sa set para mas maging komportable sa isa't isa sa kabila ng mga mabibigat at sensitibong mga eksena.-- FRJ, GMA News