Inihayag ni Bossing Vic Sotto na nais niyang gumawa ng film projects na may seryosong tema pero may halong comedy, tulad ng mga ginawa ng Hollywood actors na sina Steve Carell at yumaong si Robin Williams.
Sinabi ito ng comedian/TV host at film producer na si Vic kasabay ng pahayag niya na bukas siyang makatrabaho ang mga baguhang direktor ngayon.
Bilib daw kasi si Bossing Vic sa mga bagong ideas ng mga bagong directors ngayon.
Sa ginanap na pocket presscon para 2017 Metro Manila Film Festival official entry na "Meant To Beh" noong nakaraang linggo, nabanggit ni Bossing Vic na sa mga future projects niya, mga batang direktor na raw ang kukunin niya.
Lahad niya, “They have fresh ideas.
“Iba kasi ang humor ngayon kesa sa humor na ten or twenty years ago.
“Tsaka pati sa pagsusulat ng mga situations or eksena sa pelikula, iba rin ang atake nila.
“Kaya tama lang si Direk Chris [Martinez], ang nagdirek nitong "Meant To Beh."
“It’s a family comedy for this generation—mga millennials. Kaya nakiki-millennial kami rito ni Dawn Zulueta.
“At iba rin pala kapag galing ang isang direktor sa paggawa ng indie films.
“Very precise sila sa mga ginagawa nila.
“Mabilis silang magtrabaho. They don’t waste time talaga. May disiplina sila sa trabaho.
“Kaya kung napapansin ninyo, yung ibang movies ko, naging direktor ko si Bb. Joyce Bernal, Marlon Rivera and now, Chris Martinez.
“Magaling silang maghawak ng oras without sacrificing the quality of the project.”
Open din daw si Bossing Vic na gumawa ng indie films.
TIME MANAGEMENT PROBLEMS. Ang problema lang daw ay hindi siya naka-commit dahil sa araw-araw niyang trabaho sa TV.
“Marami na akong na-receive na offers to do an indie film.
“Actually, gusto kong subukan talaga 'yang indie. Yun nga lang, problema ang schedule.
“Nasa 'Eat Bulaga' ako from Monday to Saturday. 'Tapos, may taping pa tayo ng 'Bossing & Ai.'
“Mahirap mag-commit lalo na sa mga indie.
“Kasi ang alam ko d'yan, kapag nag-shooting sila, tuluy-tuloy sila.
“Kasi nga they can’t afford to go over their production budget.
“E, noon sinu-shoot namin itong 'Meant To Beh,' inabot kami ng 35 days. Overbudget na 'yan para sa production.
“Nakakapag-shoot lang ako ng movie tuwing umaga bago mag-'Bulaga.'
“'Tapos, resume shooting after the show.
“Sa indie di naman puwedeng gano’n, e.
“May hinahabol silang deadline at kapag more than 10 days na ang shooting nila, overbudget na yun.
“Hopefully, makakagawa rin tayo ng indie film,” diin pa ni Bossing Vic.
COMEDY WITH A TWIST. Gusto na rin daw ni Bossing Vic na ang mga magiging tema ng future projects niya ay comedy pero may seryosong tema, tulad ng mga pelikula ng mga Hollywood comedians na sina Steve Carell at ng yumaong si Robin Williams.
Tapos na raw siya sa "Enteng Kabisote" movies.
Pag-amin niya, “Gusto na rin natin pasukin ang ibang phase sa career natin.
“Gusto ko ring gumawa ng serious roles pero may nandun pa rin ang humor.
“Iba na rin ang generation ngayon at karamihan sa kanila, di na na-appreciate ang Enteng Kabisote.
“Iba ang audience ngayon talaga. Iba na rin ang hanap nila.
“Yung 'Enteng Kabisote,' hindi nakakasabay sa mga CGI effects ng Hollywood tulad ng 'Star Wars', 'Avengers', 'Justice League.'
“Kung gagawa lang ng mga effects, kaya ng Pinoy iyon.
“Ibang animators nga sa Hollywood, mga Pinoy.
“Ang wala lang tayo ay budget.
“Kailangan ng new equipment para ma-achieve yung maganda at flawless na special effects.
“E, ang mamahal ng mga gano’n. Di kaya ng budget natin.
“Kaya better to make changes sa mga pelikulang ginagawa natin.
“Ang comedy naman, di naluluma 'yan.
“Kailangan lang ng fresh stories coming from new writers and directors.” -- For more showbiz news, visit PEP.ph