Muling nabuo ang mga lola ng Kalyeserye sa Eat Bulaga nitong Sabado dahil sa pagbabalik ni Jose Manalo aka Lola Tinidora.
Dati nang ipinaliwanag ni Ms. Malou Choa-Fagar, senior vice president at chief operating officer ng TAPE Inc., na nagbakasyon lamang si Jose at babalik din sa programa.
"He is on vacation leave," saad ni Ms Malou sa isang text message.
Nilinaw niya ang mga haka-haka na nasuspinde raw ang komedyante.
Kasabay nito, inianunsyo ng Eat Bulaga ang pagsasagawa ng Miss Millenial Philippines 2017 sa kanilang ika-38th anniversary, kung saan ipapaalala ng mga local beauty title holders ang kagandahan ng iba't-ibang parte ng Pilipinas.
—ALG, GMA News