Kahit katatapos lang ng fantaseryeng "Encantadia," sasabak na kaagad sa bagong proyekto ang Kapuso aktor na si Rocco Nacino na "Haplos." Dito ay makakasama niya ang ka-love team at co-star sa "Encantadia" na si Sanya Lopez.

Bagaman hindi makapagpapahinga, nagpapasalamat si Rocco dahil "blessing"  para sa kaniya ang magkaroon kaagad ng bagong trabaho.

"Usually after a long project, gugustuhin mo na lang na magbakasyon muna, magpahinga, pero for us, napakalaking blessing ito," anang aktor.

Inamin naman ni Rocco na mahirap ang naging transition niya mula sa karakter bilang mandirigmang si Aquilat ngayon ay magiging siya si Gerald sa "Haplos," na may temang romance-drama series.

Dagdag pa niya, kung minsan ay nadadala pa rin nila ni Sanya ang kanilang Encantadia characters sa taping ng bago nilang proyekto.

"Si Sanya, nagagamit pa rin niya 'yung mga malalalim na words, kaya nakakatawa," ayon kay Rocco.

Ikinokonsidera rin ni Rocco ang bagong proyekto na isang hamon sa love team nila ni Sanya.

"It's a challenge, sabi ko sa kaniya [Sanya], 'Tulungan tayo dito,'" anang aktor.

Ang "Haplos" ay istorya sa pagmamahalan nina Gerald at Angela na tuturulan ng kanilang ama. May isang karakter na iibig din kay Gerald at gagawa ng paraan para maagaw niya ito kay Angela.

Pahayag pa ng aktor, may mangyayari din sa karakter ni Gerald na magiging twist ng istorya.

"Mate-test talaga yung relationship nina Gerald at Angela," ani Rocco.

MAS NAKIKILALA PA SI SANYA

Tungkol naman sa kanyang relasyon ngayon kay Sanya: "Mas kumportable po kami sa isa't-isa. It's been really fun, tuloy-tuloy ang pagkikita namin, araw-araw kami magkasama. With the shows we're doing, we get to bond more, pati 'yung workshops."

"Akala ko kilala ko na si Sanya, pero mas nakikilala ko pa. Natutuwa ako na she is a beautiful woman inside and out. Very enthusiastic when it comes to work," patuloy niya.

Isa raw sa ugali ni Sanya na nagustuhan ni Rocco ay palagi nitong pagtawa.

"She loves laughing. Ang hilig niyang tumawa. Konting asar mo lang sa kaniya, tatawa 'yan, yung matagal na tawa na hindi siya makaget-over," kuwento ni Rocco.

Gayunman, nilinaw ni Rocco na wala pang romantikong namamagitan sa kanila ng aktres.

"We don't want to put our feelings first. Trabaho muna. If it comes, it comes at the right time," aniya.

READ: Rocco Nacino at Betong Sumaya, makikisaya sa mga kababayang Kapuso sa Saudi Arabia

Samantala, bago ang "Haplos," makikisaya muna si Rocco, kasama si Betong Sumaya sa pagpapasaya ng mga Kapusong Pinoy sa pagtatanghal sa Jeddah, Saudi Arabia para sa Kalayaan, Kantawanan, Kasiyahan sa Gitnang Silangan ng GMA Pinoy TV.

Gaganapin ito sa June 30 sa Philippine Consulate Jeddah bilang pagdiriwang ng Philippine Independence Day at ng Eid al-Fitr.-- FRJ, GMA News