Kabilang ang veteran actress at "Impostora" cast member na si Elizabeth Oropesa sa mga celebrity na nagpahayag ng suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte. Pero paglilinaw niya, hindi niya ito ginagawa para makakuha ng puwesto sa gobyerno.
Sa ulat ni Gorgy Rula sa PEP.ph nitong Miyerkules, sinabi ni Elizabeth na tatanggi daw siya kung alukin siya ng puwesto sa posisyon na alam niyang hindi siya kuwalipikado.
“Takot kasi ako sa ganyan, kasi I might not be qualified," anang aktres. “I do not want to disappoint the President and the Filipino people."
Hindi rin daw nais ni Elizabeth na ma-bash na tatanggap ng puwesto na hindi naman niya kayang gampanan ang tungkulin.
“Tatanggapin ko dahil in-offer sa akin dahil kakampi niya ako? Ayoko ng ganun," patuloy niya. "If ever, tatanggap ako, gusto ko, dahil qualified ako na alam ko ang gagawin ko.”
Kung sakaling alukin daw siya ng posisyon, maaari umanong special assistant tungkol sa kalikasan na may kaugnayan sa Department of Environment and Natural Resources.
"Kasi warrior ako pagdating sa ating Inang Kalikasan, e. Pero ayoko naman maging secretary ng DENR, kasi hindi ko alam,” paliwanag niya.
Saad pa ni Elizabeth dapat ipagdasal at suportahan ang sinumang halal na presidente.
“Ang tingin ko kasi, tayong mga Pilipino, regardless of who the president is going to be, dapat ipagdasal natin yung presidente para matulungan natin yung ating sariling bansa," aniya.
Kabilang si Elizabeth sa mga cast member na dumalo sa presscon ng upcoming afternoon drama series na "Impostora" noong Lunes, June 5. -- FRJ, GMA News